MANILA, Philippines – Tangka ngayon ng FEU Tamaraws ang number one spot sa pagbangga sa UST Tigers sa 78th UAAP men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Ikalawang laro ito na magsisimula matapos ang tagisan ng UE Warriors at Adamson Falcons sa ganap na ika-2 ng hapon.
May 4-7 karta ang Warriors at kailangan nilang maigupo ang hamon ng talsik nang Falcons para manatiling buhay ang paghahabol ng upuan sa Final Four.
Manggagaling ang tropa ni coach Derrick Pumaren sa 91-77 panggugulat sa Tigers sa kanilang huling laro.
“We know we have a shot at the Final Four and we are playing with a sense of urgency,” wika ni Pumaren.
Nananalig siya na patuloy na may lalabas na magandang laro mula sa kanyang bataan para magpatuloy ang pag-akyat sa standings.
May 9-game winning streak ang Tamaraws at kung lumawig pa ito ay kukunin na rin nila ang number one seeding sa Final Four.
Siyam na araw na napahinga ang FEU at malalaman ang epekto nito laban sa determinadong Tigers na gustong bumangon agad matapos ang ‘di inaasahang kabiguan.
“Hindi namin dapat dalhin ang kalungkutan sa Sabado,” wika ni Tigers coach Bong dela Cruz.
Isang motibasyon ng Tigers ay ang katotohanang sila pa lamang ang nagpalasap ng natatanging talo sa Tamaraws, 72-71 na nangyari noong Setyembre 9 sa Big Dome sa first round ng eliminations.