Mahindra mas pinapaborang manalo laban sa Alaska
MANILA, Philippines – Inaasahan nang kakampihan ng kanyang mga fans sa Dubai, United Arab Emirates si Filipino boxing superstar at Mahindra playing coach Manny Pacquiao.
Ngunit hindi ito makakaapekto sa hangarin ng Alaska na masikwat ang kanilang ikatlong sunod na panalo para makasosyo sa liderato ng 2015 PBA Philippine Cup.
Sasagupain ng Aces ang Enforcers ngayong alas-7 ng gabi (alas-12 ng gabi sa Manila) sa Al Wasl Stadium.
Ipinoste ng Alaska ang 2-0 record matapos talunin ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 114-98 at ang Blackwater, 87-79 habang hanap naman ng Mahindra ang kanilang unang panalo.
Nabigo ang Enforcers sa Rain or Shine Elasto Painters, 108-94 at sa Tropang Texters, 101-97.
Sa nasabing pagkatalo sa Rain or Shine ay iniskor ng 5-foot-6 na si Pacquiao ang kanyang kauna-unahang fieldgoal bilang isang PBA player.
Noong nakaraang season ay apat na beses lamang naglaro ang 36-anyos na si ‘Pacman’ kung saan nagtala siya ng isang free throw, 2 rebounds at 1 assist.
Muling sasandigan ng Alaska sina Cyrus Baguio, Calvin Abueva, Sonny Thoss, Vic Manuel, JVee Casio at Dondon Hontiveros samantalang aasahan naman ng Mahindra sina LA Revilla, Aldrech Ramos, Nino ‘KG’ Canaleta at rookie Bradwyn Guinto.
Kinabukasan ay lalabanan naman ng Aces ang Ginebra Gin Kings sa alas-7 ng gabi (alas-12 ng hatinggabi sa Manila).
Ang kanilang kauna-unahang panalo sa ilalim ni two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone ang inaasam ng Gin Kings na makamit makaraang matalo sa kanilang unang dalawang laro.
- Latest