Air Force sigurado na sa semis

MANILA, Philippines – Kinuha na ng Air Force Airmen ang unang upuan sa semifinals sa Spikers’ Turf Reinforced Confe-rence sa pamamagitan ng 26-24, 25-22, 25-20 panalo sa Sta. Elena Wrecking Ball kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Binigyan man sila ng magandang laban ng rookie team ay namayani ang galing at tikas ng Airmen para sa  kanilang ikaapat na sunod na panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.

Si Ruben Inaudito ay mayroong balanseng laro na 11 attack points, 2 blocks at isang ace para sa nangungunang 14 puntos.

May 11 pa si Reyson Fuentes na nangga-ling sa siyam na kills at dalawang blocks habang sina Rodolfo Labrador at Jeffrey Malabanan ay naghati sa 18 puntos.

Natalo ang Sta. Elena sa ikatlong laro sa apat na asignatura at si Joven Camaganakan ay may 11 puntos pero siya lamang ang natatanging manla-laro na nasa double-digits sa kanyang koponan.

Angat ang Air Force sa lahat ng departamento, 39-35 sa attacks, 9-5 sa blocks at 5-2 sa serve, para lumapit ng isang panalo tungo sa sweep sa single-round robin elimination.

Tatlong manlalaro ng PLDT  Home Ultera Fast Hitters ay gumawa ng hindi bababa sa 10 puntos para ibigay sa koponan ang 25-22, 29-27, 25-14, tagumpay sa Navy Sailors sa ikalawang laro.

Si Mark Alfafara ay mayroong 16 kills tungo sa 18 puntos para pangunahan ang PLDT sa 51-33 bentahe sa attack points na siyang mabisang sandata ng koponan tungo sa ikalawang panalo matapos ang apat na laro.

May 11 puntos pa si Ron Jay Galang at 10 ang hatid ni Peter Torres para ilapit ng Fast Hitters ang isang paa sa semifinals.

Bumaba ang Navy sa 1-2  at si Nur Amin Madsari ay may 15 puntos para sa kanyang koponan. (AT)

Show comments