MANILA, Philippines – Matapos gulatin ang mas matatangkad na China noong Martes ay tatargetin naman ng Batang Gilas ang semifinal seat kontra sa Japan sa FIBA-Asia Under-16 Championship ngayon sa Britama gym sa Jakarta, Indonesia.
May magkakatulad na 4-1 record ang Pilipinas, China at Korea sa Group F, habang may 3-2 marka ang Japan sa Group E.
Bagama’t natalo sa Batang Gilas ay nakamit pa rin ng China, pinagha-rian ang unang tatlong edisyon ng event, ang No. 1 berth at lalabanan ang Kuwait sa quarters.
Haharapin naman ng Korea, nauna nang tinalo ang Batang Gilas, 77-74 noong Lunes, ang Lebanon at makikipagtuos ang Group E topnotcher Chinese-Taipei sa Thailand.
Isang 11-0 atake ang ginamit ng Nationals para talunin ang mas matatangkad na Chinese at kunin ang 78-72 panalo sa pagsasara ng single round elims.
Kumonekta sina Kris Harvey Pagsanjan, Jason Credo at SJ Belangel ng tig-isang triple, habang kumamada ng jumper si Jonas Tibayan sa fourth quarter para talunin ang Chinese.
Kung mananalo ang Batang Gilas sa Japan ay haharapin nila ang mananalo sa Taiwan-Thailand match para sa posis-yon sa championship.