CEBU, Philippines – Kumalas ng maaga ang Ateneo Eagles sa UP Maroons para kunin ang ikatlong puwesto sa Final Four sa dinagit na 74-65 panalo sa ikalawang laro.
Sina Kiefer Ravena at Alvin Tolentino ang nagtuwang sa ikalawang yugto para ibigay sa Eagles ang 45-26 halftime lead at kahit lumamya ang opensa sa sumunod na quarter ay ginatungan uli ni Adrian Wong ang apoy sa kanilang laro sa ipinukol na tatlong tres sa huling yugto.
“The long break be-nefitted us. We came prepared for this game, we started well and anticipated their run,” wika ni Ateneo coach Bo Perasol na nakuha rin ang kanyang ikaapat na sunod na panalo.
May 16 puntos si Ravena habang ang off-the-bench na si Wong ay may 14 para liparin ng Eagles ang ikawalong tagumpay sa 12 laro upang samahan na ang Far Eastern at Santo Tomas sa semifinals.
Bagsak sa 3-8 ang Maroons para malagay ang isang paa sa alanganin ang kanilang kampanya.
Binuhay naman ng UE Warriors ang laban para sa puwesto sa susunod na round nang kanilang tuhugin ang UST Tigers, 91-77 sa unang laro.
Ang sophomore na si Clark Derige na nag-average ng 4.6 puntos sa naunang 10 laro ay mayroong career-high na 26 puntos, mula sa 10-of-18 shooting.
Siya ang pumukpok sa puntong bumabangon ang katunggali sa hu-ling yugto para ibigay sa Warriors ang ikaapat na panalo matapos ang 11 laro.
May siyam na puntos si Derige sa huling yugto at ang kanyang triple na nasundan ng isang jumper ang nagpalamig sa pagbangon ng Tigers mula sa 13 puntos at dumikit sa 71-73 gamit ang tres ni Kevin Ferrer.
Si Chris Javier ay mayroong 13 puntos, si Paul Varilla ay may double-double na 10 puntos at 11 boards at si Nick Abanto ay may 10 pa para sa Warriors na nakitaan ng pagpuntos ng lahat ng 11 manlalaro na ipinasok sa labanan.
Tumapos si Karim Abdul bitbit ang 25 puntos at15 rebounds para sa Tigers na bigong na samahan ang FEU Tamaraws sa playoff spot para sa mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four sa tinamong ikatlong pagkatalo matapos ang 12 asignatura. (AT)