Marho cup sa November 7-8

MANILA, Philippines - Isa sa kinasasabikang racing festival taun-taon ay gagawin ngayong Sabado at Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Ang 20th Metropolitan Association of Race Horse Owners (MARHO) Cup Championships ay katatampukan ng limang malalaking stakes races na sasalihan ng mga tinitingalang kabayo na pag-aari ng mga kasapi ng asosasyon.

Sa Linggo ang tampok na selebrasyon at ang mga malalaking stakes races na gagawin katuwang ang San Miguel Beer ay ang Classic, 3YO Colt at Filly Mile race, Juvenile Colts at Fillies at ang Sprint race katuwang ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa mahabang 2,000-metro ang distansya ng Clas­sic na bukas para sa mga kabayong edad apat na taong gulang pataas.

Pitong kabayo ang nagpatala sa karera sa pa­ngu­nguna ng premyadong kabayo sa mga nagdaang taon na Hagdang Bato.

Ang kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ay naghahanap ng kanyang unang panalo sa taon at kung mangibabaw sa karerang ito ay malamang isali rin sa Presidential Gold Cup sa Disyembre.

Kasali rin sa karerang ito ay ang Kanlaon, King Bull, Hot And Spicy, Biseng Bise, Manalig Ka at Marinx.

Limang kabayo naman ang  magsasagupa sa 3YO Mile race na Gentle Strength, Hook Shot, Sky Hook, Super Spicy at Shintaro’s Speed.

Ang Sky Hook ay kampeon ng PCSO Grand Derby at  sumali rin sa idinaos na Triple Crown Championship para paniwalaan na magiging handa sa karerang gagawin sa 1,600-metro distansya.

Nasa 1,300-metro ang distansya sa dalawang 2-year old races at magsusukatan sa colts ang Bite My Dust, Dewey Boulevard, Lucky Toni, Stark at Underwood habang mga kasali sa fillies ay ang Bowties and Charms, Incomparable, Port Angeles, Real Flames at This Time.

Galing ang Underwood sa panalo sa 2015 Philracom Juvenile Cots Stakes race noong nakaraang buwan sa mas ma­habang 1,400-metro at ito ang sasandalan ng connections para ma­ku­ha ang panalo.

Sa kabilang banda, hin­­di malayong paboran ng bahagya ang Port Angeles na nangibabaw sa Japan Racing Association (JRA) Stakes race noong Setyembre.

Sa 1,100-metro ga­ga­win ang labanan sa Sprint race at ang mga ka­sali rito ay ang Barce­lona, Cat’s Silver, Ik Hou Van Jou, Nemesis at Never Cease.

Isa pang stakes race na itataguyod ng Philip­pine Racing Commission (Philracom) ang ku­­kumpleto sa masaganang aksyon.

Ang Philracom Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup na ka­­tatampukan ng mga lo­cal at imported horses ang gaganapin din at ita­takbo sa 2,000-metro.

Ang mga kasali rito ay ang Pugad Lawin, Low Profile, Penrith, Mes­si at Tap Dance sa mga locals at ang Strong Champion, Silver Sword, Bentley at Eugene.  

 

Show comments