MANILA, Philippines - Magiging punong abala ang National Chess Federation Philippines (NCFP) ng dalawang magkasunod na international chess tournaments sa buwan na ito.
Ang Subic Bay Peninsular Hotel ang siyang pagdarausan ng torneo at ang unang event ay ang Philippine International Chess Championships mula Nobyembre 9 hanggang 14 habang ang PSC-Puregold International Chess Championships ay gagawin mula Nobyembre 15 hanggang 21.
Hindi pa pinangangalanan ang mga darating ng GMs pero ito ay magmumula sa China, Indonesia, Vietnam, India at Belgium.
Ang dalawang torneo ay sinahugan ng $21,150 bilang kabuuang premyo at ang Open champion ay tatanggap ng $5,000.
Ang mga GMs ng bansa sa pangunguna ni 2015 Battle of the Grandmaster champion Richard Bitoon ang mangunguna sa laban ng bansa.
Ang mga IMs na sina Haridas Pascua at Paolo Bersamina bukod sa WIM Janelle Mae Frayna ay magiging palaban din dahil puwede nilang makumpleto ang GM norms upang maging ganap na Grandmasters.
Sina Pascua at Frayna ay nakadalawang GM norms na habang may isa na si Bersamina. Tatlong GM norms ang kailangan ng isang manlalaro para maging Grandmaster.
Sa Nobyembre 8 ang dating ng mga dayuhang manlalaro at kinabukasan ang opening ceremony at ang aksyon sa unang round sa 10-round Swiss System format.