Nietes walang balak labanan ang Nicaraguan ‘pound-for-pound’ king
MANILA, Philippines - Tila hindi seryoso si Filipino world light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes na makaharap si ‘pound-for-pound’ king Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua sa flyweight division.
Nang magkita sina Nietes at Gonzalez sa Mexico ay inaasahan ng World Boxing Organization light flyweight king na kakausapin siya ng Pinoy fighter para sa kanilang posibleng banggaan.
Ngunit wala siyang narinig mula kay Nietes.
“I met him in Mexico to talk about (a possible fight) and he didn’t want to,” sabi ni Gonzalez sa panayam ng Boxingscene.com sa pagtanggi ng tubong Murcia, Negros Occidental na harapin siya.
Sa press conference matapos dominahin si Mexican challenger Juan Alejo noong Oktubre 17 sa Carson, California ay inihayag ni Nietes na handa siyang labanan si Gonzalez sa flyweight division.
Sa naturang petsa ay binigo naman ng 28-anyos na si Gonzalez si dating two-division titlist Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria sa Madison Square Garden sa New York City.
Kasalukuyang bitbit ni Gonzalez ang perpekto niyang 44-0-0 win-loss ring record.
Marami ang nagsasabing kaya niyang duplikahin ang record na 49-0-0 nina Floyd Mayweather, Jr. at 1960’s heavyweight great Rocky Marciano.
Kung ayaw ng 33-anyos na si Nietes na labanan si Gonzalez ay may mga opsyon pang tinitingnan ang Nicaraguan.
Isa na dito ay ang rematch kay Mexican Francisco Estrada, humahawak sa WBA at WBO flyweight titles.
- Latest