MANILA, Philippines - Dalawang sunod na laro ang gagawin ng Alaska sa pagdadala ng PBA ng aksyon ng 2015 Philippine Cup sa Dubai sa Biyernes at Sabado.
Hindi lahat ng koponan ay papayag na sagupain ang dalawang tropang naghahanap ng kanilang kauna-unahang panalo matapos ang 0-2 panimula.
Kaya naman pinasalamatan ni PBA Chief Executive Officer Chito Salud ang Aces ni coach Alex Compton.
“Nagpapasalamat tayo sa Alaska Aces sa pagpayag nilang maglaro ng back-to-back official games. Alam kong gagawin nila ito para sa ating mga kababayan sa UAE,” sabi ni Salud.
Makikipagtuos ang Alaska sa kapwa talunang Mahindra at Barangay Ginebra sa Biyernes at Sabado, ayon sa pagkakasunod, sa Al Wasl Stadium.
Kasalukuyang kasalo ng Alaska sa liderato ang nagdedepensang San Miguel, Rain or Shine at NLEX mula sa magkakatulad nilang 2-0 kartada.
Tumipa ang Aces ni coach Alex Compton ng 114-98 panalo laban sa Tropang Texters at 87-79 pananaig kontra sa Blackwater Elite.
Asam naman ng Enforcers ni playing coach Manny Pacquiao na makabangon mula sa 94-108 pagkatalo sa Rain or Shine Elasto Painters noong Oktubre 25 at sa 97-101 pagyukod sa Talk ‘N Text Tropang Texters noong Oktubre 31.
Sa Sabado ay makakasagupa ng Aces ang Gin Kings ni two-time PBA Grand Slam champion mentor Tim Cone.
Bibiyahe ang Alaska at Mahindra ngayong umaga sa Dubai via Singapore Airlines kasunod ang Ginebra bukas.
Tatapusin ni Commissioner Chito Narvasa ang mga laro bukas sa Mall of Asia Arena bago dumiretso sa Dubai.