MANILA, Philippines – Lumabas ang pagiging beteranang koponan ng PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters nang kunin ang 25-12, 22-25, 25-15, 25-17, panalo laban sa UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 29 excellent sets bukod sa siyam na puntos si Rubie de Leon at pinuntahan niya sina Gretchel Soltones at Janine Marciano na tumapos taglay ang tig-16 puntos para makabangon ang PLDT sa pagkatalo sa Army Lady Troopers patungo sa 2-1 baraha.
“Ang naging adjustment lamang namin ngayon ay communication kasi ito ang nawala sa laro namin ng Army,” wika ni Soltones.
Si Marciano ay gumawa ng limang aces, si Sue Roces ay may siyam na puntos at si Lizlee Ann Pantone ay may 25 excellent digs para saluhan ang Lady Maroons at Navy Lady Sailors sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto.
May 11 at 10 puntos sina Isabel Molde at Diana Carlos para sa UP na naputol ang two-game winning streak.
Hinawakan pa rin ng Lady Maroons ang blocks, 9-3, pero isa rin sa ininda ng Lady Maroons ay ang 34 errors.
Tinapos naman ng Coast Guard Lady Dolphins ang tatlong sunod na kabiguan sa pamamagitan ng 12-25, 25-22, 14-25, 25-23, 17-15 panalo laban sa Kia Forte sa ikalawang laro.
Nakita ang determinasyon ng Coast Guard na manalo nang bumangon sila mula sa 14-15 iskor sa fifth set upang manatiling palaban sa puwesto sa semifinals.
Si Rossan Fajardo ay mayroong 17 kills at isang block para pangunahan ang Coast Guard na ipinalasap sa Kia ang kanilang pangatlong sunod na kabiguan. (AT)