MANILA, Philippines – Matapos talunin sa loob ng 12 rounds ay pinatumba naman ni Floyd Mayweather, Jr. ang usapan ukol sa sinasabing rematch nila ni Manny Pacquiao.
Sa isang text sa kanyang kaibigang si Stephen A. Smith ng ESPN, sinabi ni Mayweather na walang nangyayaring pag-uusap para sa ikalawang pagtutuos nila ng Filipino world-eight division champion na si Pacquiao sa susunod na taon.
“It’s totally false. I’m not fighting anyone,” ang maikling sagot ni Mayweather sa tanong sa kanya ni Smith sa sinasabing rematch nila ni ‘Pacman’ sa 2016.
Sinabi kamakailan ni Pacquiao na pinaplantsa na ang kanilang rematch ni Mayweather para sa pinakahuli niyang laban sa 2016 bago magretiro at tutukan ang kanyang pagtakbo para sa isang silya sa Senado.
Tinalo ng 38-anyos na si Mayweather ang 36-anyos na si Pacquiao via unanimous decision noong Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Matapos dominahin si Andre Berto para pantayan ang record na 49-0-0 win-loss-draw ring record ni heavyweight great Rocky Marciano ay nagretiro si Mayweather noong Setyembre.
Pinabulaanan din ito ni Leonard Ellerbe, ang CEO (Chief Executive Officer) ng Mayweather Promotions ng American world five-division titlist.
“Floyd Mayweather is RETIRED, end of discussion,” inis na pahayag ni Ellerbe sa kanyang Twitter account na @FloydMayweather.