MANILA, Philippines – Hindi naitago ni coach JV Sison ang saya matapos talunin ng San Beda Red Cubs ang Arellano Braves, 70-61 noong Huwebes.
Ang panalo ang naglagay ng tuldok sa makasaysayang kampanya dahil naibulsa ng Red Cubs ang ikapitong sunod na NCAA juniors title.
“Nakangiti ako dahil talagang pinaghirapan ng mga players ito. Lahat ng hiningi ko, gaya ng pressure, takbo, ibinigay nila kaya talagang proud ako sa kanila,” wika ni Sison.
Hari ang San Beda sa juniors mula pa noong 2009 at ito na rin ang kanilang ika-22 titulo sa liga. Dalawang titles na ang layo nila sa Mapua Red Robins na mayroong 20 titles.
Hindi nagkaroon ng alinlangan sa kakayahan ng Red Cubs na makuha ang titulo matapos walisin ang 18 laro sa elimination round.
Namuro ang koponan na walisin ang 20 laro pero nasilat sila sa Game 2 sa Braves, 68-72.
“Hindi naman namin binalak na i-sweep ang liga dahil ang gusto namin ay makuha ang title. Ito ang gusto naming gawin at deserving naman sila dahil pinaghirapan talaga ito,” dagdag ni Sison.
Lahat ng ginamit na tao ay tumulong para makuha ang kampeonato pero isang manlalaro na lumutang sa finals ay si Even Nelles na siyang ginawaran ng Finals MVP.