MANILA, Philippines – Nakatulong ang dikitang labanan sa pagitan ng Letran Knights at San Beda Red Lions sa isang pre-season tournament upang magkaroon ng kumpiyansa ang una kapag kinakaharap ang dating 5-time defending champion sa 91st NCAA.
Naglaban ang dalawang koponan sa quarterfinals at natalo ang Knights ng isang puntos sa Lions para ma-eliminate sa Fil-Oil Cup.
“Natalo kami pero alam na namin na kaya namin silang sabayan. Sa larong iyon ay wala si Kevin (Racal) at si Rey (Nambatac),” wika ni rookie Letran coach Aldin Ayo.
Lumabas ang karanasang ito sa Game Three sa NCAA Finals nang hindi tumiklop ang Knights sa overtime para kunin ang 85-82 panalo na pumutol sa limang sunod na taon ng pamama-yagpag ng San Beda bukod sa paghagip ng unang titulo matapos huling magkampeon noong 2005.
Hindi naging madali ang landas at marami ang nagkaroon ng pagdududa sa kapasidad ng koponan dahil bukod sa bagong coach na si Ayo, wala rin silang dominanteng sentro na maaasahan.
Maging ang mga players ay hindi kumbinsido sa simula na kaya nilang magkampeon.
“Tinanong ko sila kung naniniwala sila sa sasabihin kong magkakampeon kami. Marami sa kanila ang tumawa kasama si Mark (Cruz),” dagdag ni Ayo.
Nagsimula lamang naniwala ang mga players at kahit ang Letran community noong tinalo nila ang mga contenders tungo sa 7-0 panimula.
“Sinasabi ko lagi sa kanila na ang sistema na ginagamit ko ay hindi tumutukoy sa isang team. Kaila-ngan lang na magsipag kami. Matatalino rin ang mga players ko dahil kung hindi, saan kami pupulutin,” sabi pa ni Ayo.
Ang titulo ay magandang pabaon para kina Cruz, Racal at Rey Publico na nasa huling taon ng paglalaro sa collegiate league.
Nakatulong din ang presensiya ng team manager na si Manny Pacquiao na nagpakita ng suporta sa team sa finals at nagbigay ng incentive na P100,000 sa bawat player.