MANILA, Philippines – Tinapos ng Knights ang kanilang 10 taon na pagkauhaw sa korona sa mahirap na paraan.
Ipinagpag ng Letran ang five-peat champions na San Beda sa overtime, 85-82 sa Game Three ng kanilang championship series para angkinin ang kampeonato ng 91st NCAA men’s basketball tournament sa harap ng 20,158 fans kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kinuha ng Knights ang titulo na huli nilang hinawakan noong 2005 at pang-17 sa kabuuan kasabay ng pagpigil sa pangarap na ikaanim na sunod na dominasyon ng Red Lions.
“Tama na ‘yung sakit, tayo naman,” sabi ni rookie coach Aldin Ayo, miyembro ng champion team ng Letran noong 1998 at 1999. “Ginawa namin ang lahat at ang lahat ng pagkukulang ay pinunan ni God.”
Naagaw ng San Beda ang unahan sa 82-79 buhat sa jumper ni Amer sa huling 1:27 minuto ng extension kasunod ang dala-wang free throws ni Racal at jump shot ni Jom Sollano para ibigay sa Letran ang 83-82 abante sa nala-labing 32.6 segundo.
Ang dalawang mintis nina Amer at Dela Cruz sa posesyon ng Red Lions ang nagresulta sa split ni Sollano para sa 84-82 bentahe ng Knights sa huling 6.7 segundo.
Tuluyan nang sinelyuhan ni Cruz ang panalo ng Letran nang isalpak ang isang free throw sa nala-labing 3.7 segundo matapos ang double lane violation.
“Laban lang, puso, iyon lang ang ginawa namin para manalo,” sambit ni Cruz, hinirang na Finals Most Valuable Player.
Nagwakas man ang kanilang 19-game winning streak ay hindi naman napigilan ang San Beda Red Cubs para sakmalin ang kanilang record na pang-pitong sunod na korona sa juniors division.
Binalikan ng Red Cubs ang Arellano Braves sa Game Three, 70-61 sa 91st NCAA high school basketball championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Inangkin ng Taytay-based dribblers ang kanilang ika-22 NCAA high school crown.
Hinirang naman si Evan Nelle, umiskor ng 13 markers, bilang Finals MVP.