MANILA, Philippines – Malamya ang naging fieldgoal shooting ng Letran sa Game Two na nagresulta sa kanilang 61-68 kabiguan sa San Beda noong Martes sa 91st NCAA men’s basketball championship.
“We shot 29 percent from the field, iyon ang istor-ya doon,” sabi ni rookie coach Aldin Ayo sa kanyang Knights na nagtala ng kabuuang 59-of-83 clip kasama ang masamang 8-of-16 shooting sa free throw line.
Hindi rin nakaiskor si Rey Nambatac, ang ikatlong miyembro ng ‘Big Three’ kasama sina Mark Cruz at Kevin Racal na kumamada ng 21 at 9 points, ayon sa pagkakasunod, sa kanyang 0-of-6 fieldgoals.
Ang nasabing panalo ng five-peat champions na Red Lions ang nagtabla sa kanilang best-of-three championship series sa 1-1 matapos matalo sa Game One, 90-94.
Sa kabila ng kabiguan ay kumpiyansa pa rin si Ayo sa tsansa ng Letran na talunin ang San Beda sa ‘winner-take-all’ Game Three ngayong alas-4 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kung manonood uli si Manny Pacquiao, team manager ng Letran ay maaaring muling lumakas ang kumpiyansa ng koponan ni Ayo kagaya ng nangyari sa Game One.
Hangad naman ng Red Lions ang kanilang ikaanim na sunod na titulo at pang-20 sa kabuuan.
Sa high school division, tatargetin ng San Beda Red Cubs ang kanilang ika-pitong sunod na korona at pang-22 sa kabuuan sa muling pagsagupa sa Arellano Braves sa Game Three sa alas-2 ng hapon.
Pinuwersa ng Braves ang Red Cubs sa rubber match nang kunin ang 72-68 panalo sa Game Two matapos isuko ang Game One, 68-76.