MANILA, Philippines - Hindi pa rin nalalaglag sina Dennis Orcollo, Carlo Biado at Warren Kiamco sa winner’s side nang nanalo uli sa pagpapatuloy ng 40th US Open 9-ball Championship na ginagawa sa Sheraton Waterside sa Norfolk, Virginia.
Hanap na higitan ang pangalawang puwestong pagtatapos noong nakaraang taon, si Orcollo ay nakitaan ng mabangis na porma para ilampaso si Pham Phuong Hong ng Vietnam, 11-1 upang umabante sa third round laban kay Dang Jin-hu ng China.
Si Hu ay umabante gamit ang mas mabangis na 11-0 shutout panalo kay Scott Brazier ng US.
Nanaig si Biado kay Brandon Shuff ng US, 11-5, para itakda ang pagharap sa mabigat na si German cue artist Thorsten Hohmann na umusad sa pamamagitan ng 11-3 panalo kay Michael Wong.
Wagi si Kiamco sa kababayang si Francisco Felicilda na sinamahan ang iba pang Filipino players na sina Ramil Gallego, Jundel Mazon at Jeffrey Ignacio sa one-loss bracket.
Katunggali ni Kiamco si Jason Klatt ng Canada na nanalo kay Jorge Rodriguez ng Mexico sa 11-7 iskor.
Taong 1976 nang binuhay ang kompetisyon at sina Efren “Bata” Reyes at Fil-Canadian Alex Pagulayan pa lamang ang nagkampeon mula sa bansa noong 1994 at 2005.
Nagkaroon ng pagkakataon si Orcollo na manalo noong nakaraang taon nang pangunahan ang loser’s side pero kinapos siya at yumuko sa 10-13 iskor kay three-time defending champion Shane Van Boening ng USA. (AT)