MANILA, Philippines - Pormal nang inihayag kahapon ng FIBA (International Basketball Association) ang pagkakabilang ng Pilipinas bilang isa sa 10 bansang naghahangad na maging host ng Olympic Qualifying Tournament sa susunod na taon.
Bukod sa Pilipinas, ang iba pang nagbi-bid para sa hosting rights ng isa sa tatlong Olympic qualifying ay ang Czech Republic, Germany, Greece, Iran, Israel, Italy, Mexico, Serbia at Turkey.
Ang tatlong Olympic qualifiers ay magkakasabay na idaraos sa Hulyo 4-10, 2016 kung saan ang top teams mula sa tatlong torneo ang maglalaro sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Nauna nang nagsumite ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng letter of intent sa FIBA general headquarters sa Geneva.
Ihahayag ng International Basketball Association (FIBA) ang tatlong winning bidders sa FIBA board meeting sa Geneva sa Nobyembre 23.
Hangad ng Turkey, Russia at Germany na maging host para sa tsansang makapaglaro sa 2016 Olympics matapos mabigong makakuha ng puwesto sa nakaraang FIBA EuroBasket eliminator.
Ang mga maglalaro sa wildcard competition ay ang France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic (Europe), Canada, Mexico at Puerto Rico (Americas), Angola, Tunisia at Senegal (Africa), New Zealand (Oceania) at ang Pilipinas, Iran at Japan (Asia).
Nakawala sa Pilipinas ang tsansang makuha ang nag-iisang Olympic ticket nang matalo sa nagkampeong China sa gold medal round ng nakaraang 2015 FIBAAsia Championship sa Changsha, China.
Ayon sa FIBA, ang main evaluation criteria para madetermina ang magiging hosts ng Olympic qualifying ay ang kapakanan ng mga players, stakeholder experience, state-of-the-art facilities and infrastructure, legacy at commercial model.