Humirit pa ang San Beda

Tinangkang agawin ni Rey Nambatak ng Letran ang bola kay Olaide Adeogun ng San Beda. PM photo ni Joven Cagande

MANILA, Philippines - Bagama’t napuwersa sa 32 turnovers ay nagawa pa rin ng San Beda na agawin ang Game Two laban sa Letran.

Sumandal ang five-peat champions na Red Lions kina Javee Mocon, Dan Sara, Michael Sorela at Baser Amer sa fourth quarter para talunin ang Knights, 68-61 at itakda ang ‘winner-take-all’ Game Three sa 91st NCAA men’s basketball championship kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Itinabla ng San Beda sa 1-1 ang kanilang best-of-three titular showdown ng Letran matapos isuko ang 90-94 pagkatalo sa Game One.

Pag-aagawan ng Mendiola-based cagers at ng Intramuros-based dribblers ang NCAA crown sa Game Three bukas sa Pasay City venue.

“It has to start from each person that you have to embrace your responsibility and not be allowed to get beat. That’s how we started and I hope we maintain it,” sabi ni San Beda rookie coach Jamike Jarin.

Mula sa 49-52 agwat sa third period ay naagaw ng Knights ang unahan sa 54-52 mula sa ikatlong three-point shot ni McJour Luib at dalawang free throws ni Kevin Racal sa pagsisimula ng fourth quarter.

Kumamada sina Sara, Sorela at Amer ng 11-3 atake para ibigay sa Red Lions ang 63-57 bentahe sa 6:14 minuto ng laro.

Huling nakalapit ang Letran sa 61-66 mula sa split ni Luib sa 3:23 minuto kasunod ang basket ni Mocon para sa 68-61 kalamangan ng San Beda sa natitirang 15.7 segundo.

Matapos umiskor ng 18 points sa panalo ng Knights sa Game One ay nabokya si Rey Nambatac sa kanyang 0-of-6 fieldgoal shooting, kasama rito ang 0-of-4 sa free throw line sa huling apat na minuto ng laban.

Sa juniors’ division, niresbakan ng Arellano Braves ang nagdedepensang San Beda Red Cubs, 72-68, para itabla sa 1-1 ang kanilang title series.

Nauna nang kinuha ng Red Cubs, may bitbit na ‘thrice-to-beat’ advantage sa Finals matapos walisin ang double-round elimination, ang 76-68 panalo sa Braves sa Game One.

Show comments