Hernandez nakakaangat pa rin kay Alvarez sa palakihan ng kita
MANILA, Philippines - Napanatili ni Jonathan Hernandez ang kalama-ngan kay Mark Alvarez para pangunahan pa rin ang labanan ng mga hinete matapos ang unang siyam na buwan ng taon.
Pumalo na sa P2,991,626.23 ang kinita ni Hernandez matapos ang 569 panalo para makaangat pa kay Alvarez na may P2,963,569.96 kita sa 645 takbo.
Umabot na sa 136 ang panalo ni Hernandez bukod sa 91 segundo, 85 tersero at 73 kuwarto puwesto.
Si Alvarez ang may pinakamaraming panalo sa mga hinete sa 139 bukod sa 125 segundo, 82 tersero at 72 kuwarto puwesto pero sa mga stakes races nama-yagpag si Hernandez para malagay sa unang puwesto.
Si Jeff Zarate ay nasa ikatlong puwesto pero kapos siya ng mahigit na P300,000.00 kay Alvarez sa kanyang nalikom na P2,631,509.43 (135 panalo, 90 segundo, 70 tersero at 56 kuwarto).
Apat na iba pang hinete ang may dalawang mil-yong kita na para maging balanse ang premyong napanalunan ng mga ito.
Si Kevin Abobo ang nasa ikaapat na puwesto sa P2,293,976.01 premyo matapos ang 536 takbo (83-96-90-67), si Fernando Raquel Jr. ay may P2,251,041.71 sa 620 takbo (94-109-107-79), si Pat Dilema ay may P2,106,998.03 sa 479 takbo (84-71-76-69) habang si Jessie Guce ay kumabig na ng P2,034,064.06 sa 536 takbo (86-99-89-68).
Sina John Alvin Guce, Christopher Garganta at Rodeo Fernandez ang nasa ikawalo hanggang sampung puwesto bitbit ang P1,708,171.03, P1,579,706.23 at P1,577,152.13 premyo, ayon sa pagkakasunod. (AT)
- Latest