MANILA, Philippines – Sa ikalawang sunod na taon ay winalis ng Ateneo ang men’s at women’s swimming titles na pinaglaba-nan sa 78th UAAP season.
Ang mga Olympians na sina Jessie Lacuna at Hannah Dato ay nanalo sa pitong events na sinalihan para itanghal din bilang MVP sa kanilang dibisyon.
Gumawa pa si Lacuna ng mga bagong marka sa 50m butterfly (25.31), 400m individual medley (4:25.89) at 100m freestyle (51.66) habang si Dato ay may mga records sa 50m free (26.62), 200m free (58.48), 50m butterfly (27.66) at 400m IM (5:00.71).
Sa kabuuan, ang Eagles ay nanalo ng 19 ginto, 9 pilak at 4 bronze medals para sa 563 puntos.
May 17 events ang pinaglabanan sa pool events at ang La Salle Archers ang kumuha sa nalalabing dalawang ginto bukod sa 8 pilak at 5 bronze medals para sa silver sa 286 puntos. Ang UP Maroons na may tatlong pilak at siyam na bronze medals ang nasa ikatlo sa 199 puntos.
Ang Lady Eagles ay lumangoy sa 15 ginto, 7 pilak at 4 bronze medals tungo sa nangungunang 428 puntos at tinalo nila ang UP Lady Maroons na mayroong 5-9-6 medal tally (419 puntos) at La Salle Lady Archers na may 1-5-3 medal count (177 puntos).