MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senator Grace Poe kahapon ang mga local government leaders na tumulong sa sports sector para tumukoy ng mga potential ta-lents na magiging sports heroes ng ating bansa.
Dahil iisa pa lamang ang atletang nakasiguro ng slot sa Olympics sa Rio de Janeiro sa Brazil sa susunod na taon, naisip ni Poe na makakatulong ang mga LGU sa hangarin ng Pinas na makakita ng isang Pinoy na gold medalist.
Sa ngayon, tanging si Filipino-American Eric Shauwn Cray pa lang ang pasok sa athletics event ng Olympics ngunit marami pang Pinoy athletes ang sasali sa mga Olympic qualifying tournaments.
“Our country is made up of a hundred million people. To have only one Olympian to represent a hundred million Filipinos doesn’t seem right,” sabi ni Poe, isang taekwondo blackbelter at naging silver medalist sa National Open.
Sinabi ni Poe na ang kasalukuyang government funding para sa elite athletes o ang mga lumalaban sa international tournaments bilang miyembro ng iba’t ibang national teams, ay malayo sa ginagastos ng ibang bansa para sa kanilang sports programs ngunit ang mga local government units ay makakatulong sa grassroots sports development sa pamamagitan ng pagtukoy ng mga atletang may potensiyal.
“Our youth is our future. Let us invest in them-- their overall well being, including sports development. This should be our collective responsibility. Let us give our young athletes the push and the support they deserve,” sabi ni Poe.