MANILA, Philippines – Tuluyan nang kinumpleto ng Cignal ang pagwalis sa first round sa pamamagitan ng 25-19, 24-26, 25-23, 25-17 panalo laban sa RC Cola-Air Force sa 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome.
Humataw si American import Ariel Usher ng 29 kills at 6 service aces para tumapos na may conference-high na 36 points sa paggiya sa HD Spikers sa 5-0 record sa nasabing inter-club tournament.
Nauna nang nagtala ang tubong Oregon, USA na si Usher ng 31 points sa five-set win ng Cignal laban sa nagdedepensang Petron noong Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
“I really don’t mind the numbers. I just did what I have to do and for as long as it could help the team, I am very much willing to do it,” paha-yag ni Usher.
Nag-ambag ang kanyang partner na si Amanda Anderson ng 9 kills at 5 blocks para sa kanyang 14 points, habang may 10 markers si veteran Michelle Laborte para sa HD Spikers.
Nagpakita ng tapang ang Raiders sa likod ni Puerto Rican import Lynda Morales sa kaagahan ng fourth set.
Pero nakipagtulungan si Usher kina Anderson at Laborte para selyuhan ang pang-limang sunod na panalo ng Cignal.
“I always tell the locals na hindi puwedeng mag-focus sa import lang kailangan contribute ang lahat,” sabi ni coach Sammy Acaylar. “We should always help the import.”
Samantala, umiskor ng krusyal na puntos si Bojana Todorovic upang ihatid ang Philips Gold sa 25-18, 26-24, 22-25, 23-25, 15-13 panalo kontra sa Foton sa second game.”