MANILA, Philippines – Kumilos ang FEU Tamaraws sa huling yugto para balewalain ang naunang pagporma ng UE Warriors sa 71-67 panalo sa 78th UAAP men’s basketball kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Prinze Orizu, Russel Escoto at Roger Pogoy ang nagtulung-tulong sa pitong sunod na puntos para palubugin ang tatlong puntos na kalamangan ng UE, 62-65, at gawin itong 69-65 bentahe sa huling isang minuto.
Ito ang ika-siyam na panalo ng tropa ni coach Nash Racela sa 10 laro para suwagin ang unang upuan sa Final Four.
“Its scary when you play UE because their don’t give up easily,” wika ni Racela na sunod na tutumbukin ay ang Top Two spot na may ‘twice-to-beat’ advantage sa semifinals.
May 16 puntos si Mark Belo, habang sina Pogoy at Alejandrino Iñigo ay naghatid ng 12 at 11 puntos.
Ipinakita naman ng Adamson Falcons ang determinasyon na magkaroon ng magandang pagtatapos kahit namaalam na sa liga nang silatin ang La Salle Green Archers, 75-74, sa unang laro.
Isinelebra ni Joseph Nalos ang pagbabalik mula sa isang larong suspensyon sa kinanang 20 puntos at 12 rito ay sa huling yugto.
Si Pape Sarr ay may 23 puntos at 14 rebounds at ang dalawang free throws sa huling 15 segundo.
May tsansa ang La Salle na maihirit ang overtime nang ma-foul si Paolo Rivero ni Cristian Garcia ngunit ang unang buslo lamang ang kanyang napasok.
FEU 71 – Belo 16, Pogoy 12, Iñigo 11, Jose 8, Orizu 8, Ru. Escoto 6, Ri. Escoto 4, Tolomia 4, Arong 2, Comboy 0, Dennison 0, Tamsi 0, Trinidad 0.
UE 67 – Batiller 13, Charcos 10, P. Varilla 10, Abanto 8, Derige 8, J. Varilla 7, Javier 5, Manalang 3, Palma 2, De Leon 1, Gonzales 0, Sta. Ana 0.
Quarterscores: 18-19; 34-34; 53-55; 71-67.