Sta. Elena gusto ring maka-2
MANILA, Philippines – Ikalawang sunod na panalo ang nais ng baguhang Sta. Elena habang babangon mula sa dalawang sunod na pagkatalo ang PLDT Home Ultera Fast Hitters sa Spikers’ Turf Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaro ng Sta. Elena ang Cignal TV Inc. HD Spikers sa ganap na ika-3 ng hapon at ang mana-nalo ay sosolo sa ikatlong puwesto.
May magkatulad na 1-1 karta pero may momentum ang Sta. Elena na hiniya ang PLDT, 25-22, 25-21,14-25, 29-27 habang ang Cignal ay natalo sa Air Force Airmen, 22-25, 18-25, 25-20, 21-25.
Ang Fast Hitters ay mapapalaban sa IEM Volley Masters sa tampok na laro dakong alas-5 ng hapon na tagisan ng dalawang koponang wala pang panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Kampeon sa Open Conference, nangangapa pa rin ang Fast Hitters na inuulan ng errors ang laro.
Sa huling laban ay may 31 errors ang koponan para masayang ang 58 kills na ginawa sa Sta. Elena.
Dapat na makuha uli ang dating tikas ng PLDT dahil ang Volley Masters ay magsisikap na buma-ngon matapos lumasap ng unang kabiguan sa kamay ng Air Force sa pagbubukas ng liga noong Oktubre 10.
Single-round robin lamang ang format ng liga kaya’t mahalaga na makabangon agad ang mga nasa huling puwesto para maging palaban sa semifinals.
- Latest