MANILA, Philippines - Kung pagbabasehan ang kinalabasan ng kanilang mga huling pagtutuos ay paborito ang San Beda Red Lions na manalo sa Letran Knights para sa 91st NCAA men’s basketball title.
Ang Game One ng best-of-three series ay bubuksan bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at tiyak na magi-ging maaksyon ang bakbakan ng dalawang koponan na nanguna sa liga mula pa sa elimination round.
Ito pa lamang ang ikalimang pagkikita ng dalawang paaralan sa Finals at ang Red Lions ay nagbabalak na kunin ang pang-apat na sunod na panalo.
Unang nagtuos ang dalawa noong 1950 at nanalo ang Letran bago na-kabawi ang San Beda noong 2007 Finals sa pamamagitan ng 2-0 sweep.Nagkita pa ang Lions at Knights noong 2012 at 2013 seasons at nilapa ng una ang huli sa pamamagitan ng 2-1 iskor.
Sa season na ito ay may 2-1 karta na ang San Beda sa Letran sa head-to-head pero lahat ito ay hindi ipinapasok sa isipan ni rookie Lions coach Jamike Jarin.
“I like to say that we are the underdogs,” wika ni Jarin. “Lagi namin sila hinahabol at sa finals, sila rin ang naunang pumasok.”
Ganito man ang pananaw ay tiwala ang dating national coach na lalaban ang kanyang mga bataan.
Ang pagkakaroon ng sariwang manlalaro papasok sa championship series ay isa sa nakikita niyang bentahe ng San Beda na pakay ang makasaysayang six-peat sa liga at ika-20 sa pangkalahatan.
Habang sina Arthur dela Cruz, Ola Adeogun at Baser Amer ang tinitingala sa koponan, ang ibang nasa bench ay nabibigyan din ng playing time. Ang magandang epekto nito ay nakita sa 78-68 panalo sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa Final Four noong Martes dahil ang bench ay naghatid ng 47 puntos.
“It’s going to be an interesting series. I have high respect for coach Aldin (Ayo) and the team that plays with more energy will win,” banggit pa ni Jarin.
Malinaw din ang mensahe ni Ayo na hindi pa tapos ang misyon ng koponan sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
“Nobody expected us to be in the finals. But we still have a job to do. We are not contented because we want to win and become the champion this year,” pahayag ni Ayo na tinalo ang host Mapua Cardinals sa mahigpitang 91-90 panalo sa isang semis match.
Ang mga beteranong sina Mark Cruz, Kevin Racal at Rey Nambatac ang mga sasandalan niya pero malaking bagay ang ipakikita nina Jomari Sollano, John Paul Calvo, Rey Publico at McJour Luib para wakasan ang 10-taon na hindi nakakatikim ng titulo. (AT)