MANILA, Philippines - Nagpadala na ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng 20,000 Euros (P1.05 Million) sa FIBA noong nakaraang linggo upang kumpirmahin ang intensiyong mag-bid para sa hosting rights ng isa sa tatlong Olympic qualifying tournaments sa July ng susunod na taon.
Kinumpirma na rin ng FIBA ang pagtanggap ng “administrative fee” at nagpadala na ng136-page document na Host Nation Agreement at candidature file guidelines sa SBP. Ang deadline para sa pagsusumite ng mga bansa ng pagbi-bid ay sa Nov. 11.
Ang 9-man FIBA Executive Committee ay magpupulong sa opisina ng FIBA sa Mies, Switzerland sa Nov. 23 para pumili ng tatlong bansang magho-host ng Olympic qualifying tournaments. Sa susunod na araw, magkakaroon ng bunutan upang malaman kung saan maglalaro ang 18-bansang kasali na gagamitan ng geographical at quality principles para balansehin ang mga grupo.
Sa ngayon, tanging ang Philippines pa lamang ang nagkumpirma ng intensiyong mag-bid. Ang Iran at Japan ang iba pang Asian countries na kasama sa 15 bansa na nakasama sa Olympic qualifiers dahil sa kanilang 2-3-4 pagtatapos sa nakaraang FIBA Asia Championships sa Changsha, China.
Ang iba pang bansang nais mag-host ng Olympic qualifier ay ang Mexico, Canada, Italy, Turkey, Russia, Germany at Serbia. Sa walong ito, tatlo ang hindi nakakuha ng slot sa qualifiers-- Turkey, Russia at Germany.
Ang host ng qualifier ay puwedeng piliin mula sa mga bansang nag-qualify o lumaro sa continental o regional championships na ‘di nag-qualify. Kung ang bansang napiling mag-host ay nag-qualify na, ang susunod na next non-qualifier country sa continental championships ay makakasama sa Qualifier.
Sa kaso ng Asia, kung mapipili ang Philippines na mag-host, ang fifth placer sa Changsha na Lebanon ay mabibigyan ng slot sa Olympic Qualifier. (QH)