RC Cola-Air Force Raiders asam ang ika-2 sunod na panalo

MANILA, Philippines – Didikit pa ang RC Cola-Air Force Raiders sa nangungunang Cignal HD Lady Spikers sa pag-asinta ng pangalawang sunod na panalo sa 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix women’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Magsusukatan ang Raiders at nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers sa ganap na ika-4:15 ng hapon at pangalawang sunod ang makukuha ng una para makalapit pa sa Cignal na hindi pa natatalo matapos ang tatlong laro.

Gamit ang galing ng mga imports na sina Lynda Morales at Sara Christine McClinton, ang nagbabalik na Raiders ay umani ng magarang 25-20, 17-25, 20-25, 25-21, 15-13 panalo laban sa Meralco Power Spikers.

Kung tunay ang kanilang pagpapasikat ay masisilayan sa Lady Blaze Spikers na gustong manalo sa pagtatapos ng kampanya sa unang ikutan sa ligang inorganisa ng SportsCore at handog ng Asics at Milo bukod sa suporta ng Mikasa, Senoh at Mueller at napapanood sa TV5.

May 2-2 karta lamang ang Petron at galing pa sila sa 20-25, 25-21, 25-16, 22-25, 12-15 pagkata-lo sa Philips Gold Slammers sa huling laro.

Malaking dagok sa ginagawang kampanya kung matatalo pa ang Lady Blaze Spikers kaya’t asahan na mas maalab ang makikitang laro mula kina Dindin Manabat, Frances  Molina, Aby Maraño, Rachel Anne Daqius at mga imports na sina Erica Adachi at Rupia Inck.

Magsisikap din ang Philips Gold na dugtu-ngan ang unang panalo laban sa Meralco Power Spikers sa ikalawang laro dakong alas-6:15 ng gabi.

May 1-1 baraha ang Lady Slammers at kailangang manatili ang magandang ipinakita nina Bojana Todorivic, Alexis Olgard at Myla Pablo, naghatid ng 25, 21 at 20 puntos sa huling laro, para masabayan ang inaasahang maalab na laro ng Power Spikers para pigilan ang  paglasap ng 0-5 karta. (AT)

Show comments