CARSON, California – Matatagalan pa bago matupad ang pangarap ni Donnie Nietes na makaharap si Nicaraguan star Roman “Chocolatito” Gonzalez.
Matapos talunin ni Nie-tes si Mexican challenger Juan Alejo noong Linggo ay binanggit ng 33-anyos na Filipino champion ang pangalan ni Gonzalez para sa susunod niyang laban.
Ang 28-anyos na si Gonzalez ay hindi pa natatalo sa kabuuan niyang 44 laban na tinampukan ng 38 knockouts.
Siya ang kasaluku-yang ‘pound-for-pound’ king matapos magretiro si Floyd Mayweather, Jr.
Pinigil ni Gonzalez si Fil-Am Brian Viloria, ang dating light-fly at flyweight champion, sa ninth round sa kanilang upakan noong Linggo sa Madison Square Garden sa New York.
Posibleng muling lu-maban si Nietes sa Marso ng 2016 sa kanyang probinsya sa Bacolod City.
Huling lumaban ang tubong Murcia sa Bacolod noong 2010 at gusto ng kanyang mga fans na makita ang kanilang iniidolo.
Sinabi ni Nietes na ikukunsidera niyang umakyat sa flyweight division para makalaban si Gonzalez.
“Gusto ko talaga si Roman Gonzalez. That will be a good fight,” wika ni Nietes at may opsyon pang labanan si Juan Francisco Estrada.
Kung mangyayari ang lahat ng plano ay posibleng maitakda ang paghahamon ni Nietes kay Gonzalez bago matapos ang 2016.
Ang laban ni Nietes sa StubHub Center ay ang una niya sa US.
Dadalhin ang mga Pinoy Pride editions sa susunod na taon sa San Diego sa Abril, sa Los Angeles sa Hunyo, sa San Francisco sa Agosto at sa Carson sa Oktubre.
Muling itatampok si Nietes at ang magkapatid na Albert at Jason Pagara pati na sina Mark Magsayo at Bruno Escalante, isang Filipino boxer na nakabase sa San Francisco at tumalo kay Mexican Nestor Ramos sa StubHub.