GENERAL SANTOS CITY, Philippines – Muling ipinakita ni Milo Marathon Queen at SEA Games medalist Mary Joy Tabal ang kanyang dominasyon sa local marathon.
Naglista si Tabal ng tiyempong 01:21:42 para iwanan sina Mona Liza Ambasa (01:35:03) at Noemi Andrea Galeos (01:52:44) sa 21-kilometer event ng National Milo Marathon qualifying leg dito.
Hangad ng 26-anyos na Cebuana na maidepensa ang kanyang korona sa darating na Milo National Finals.
Pinagharian naman ni Juneil Languido ang men’s division nang magsumite ng oras na 01:14:04 para talunin sina Elmer Bartolo (01:16:47) at Gilbert Maluyo (01:20:42).
Sina Tabal at Languido ay kapwa nagbulsa ng premyong P10,000 at tiket para sa 2015 National Milo Marathon Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga.
Ang hihiranging Milo Marathon King at Queen titles ay ipapadala sa United States para sa tsansang makalahok sa 2016 Boston Marathon.
Ito ang ikatlong pagkakataon na naghari ang 31-anyos na si Languido sa General Santos City leg.
Mula sa General Santos City ay dadalhin ang Milo qualifying legs sa Davao (November 8), Butuan (November 15) at Cagayan De Oro (November 22).