MANILA, Philippines – Pinatunayan ni Spaniard Enrique Lopez-Perez kung bakit siya ang top seed nang kanyang makopo ang singles title matapos igupo si third seed Kento Takeuchi ng Japan, 7-6 (4), 6-4 kahapon sa pagtatapos ng 34th Philippine Columbian Association Open- ITF Men’s Futures 2 sa PCA Plaza Dilao clay courts sa Paco, Manila.
Sinandalan ng malakas pumalong si Lopez-Perez, highest ranked player sa torneong ito bilang No. 378 sa buong mundo, ang kanyang solid baseline game at impresibong court coverage para tabunan ang kanyang masamang serving na nagresulta sa ilang double faults upang makopo ang kanyang ikalawang ITF title ngayong taon matapos manalo sa Chandigarh, India noong March.
Nakaganti rin ang 24-gulang na si Lopez-Perez kay Takeuchi matapos lumasap ng 6-2, 1-6, 4-6 pagkatalo sa semifinals ng Manila ITF Men’s Futures 1.
“I lost my confidence because of the double faults,” sabi ni Lopez-Perez na nag-uwi ng $2,160, “Good thing I decided to play my game and let him (Takeuchi) chase balls.”
Nagbulsa naman ng $1,272 ang runner-up na si Takeuchi sa torneong ito kung saan nakopo ng mga local standouts na sina Francis Casey Alcantara at eight-time PCA Open titlist Johnny Arcilla ang doubles crown kamakalawa.