MANILA, Philippines – Hindi man niya napatumba si Mexican challenger Juan Alejo kumpara sa ginawa ng tatlo pang Filipino fighters sa kanilang mga kalaban ay sapat na ito para matagumpay na maidepensa ni Donnie ‘Ahas’ Nietes ang kanyang world light flyweight crown.
Dinomina ni Nietes si Alejo via unanimous decision para manatiling suot ang kanyang World Boxing Organization light flyweight crown kahapon sa StubHub Center sa Carson, California.
Ito ang pang-walong sunod na matagumpay na pagdedepensa ng 33-anyos na si Nietes sa kanyang hawak na WBO light flyweight title at hindi pa rin natatalo sa loob ng 11 taon.
Nakakuha si Nietes (37-1-4, 21 knockouts) ng Murcia, Negros Occidental ng 120-108, 119-109 at 119-109 puntos mula sa tatlong judges para sa kanyang panalo laban kay Alejo (21-4-0, 13 KOs) ng Guadalupe, Mexico.
“Matibay siya,” sabi ni Nietes kay Alejo. “Hindi ako maka-knockout kasi matibay siya, magaling din mag-counter punch at malakas ang overhand.”
Kumonekta si Nietes ng ilang body shots at uppercuts kay Alejo sa fourth round.
Ngunit sa sixth round ay napaputok ng Mexican ang kaliwang mata ng Filipino champion.
Dahil dito ay nag-init si Nietes at nagpakawala ng mga right hand at left hook kay Alejo sa round seven patungo sa kanyang panalo.
Sa undercard, nagtala din ng magkakahiwalay na tagumpay sina light welterweight Jason Pagara, light featherweight Albert Pagara at featherweight Mark Magsayo.
Pinatumba ni Jason Pagara (37-2-0, 23 KOs) si Nicaraguan Santos Benavides (25-8-2, 19 KOs) sa 2:53 minuto ng second round at pinabagsak ng kapatid na si Albert Pagara (25-0-0, 18 KOs) siWilliam Gonzalez (27-6-0, 23 KOs) sa sixth round.
Tinapos naman ni Magsayo (12-0-0, 10 KOs) si Mexican Yardley Suarez (13-1-0, 8 KOs) sa first round.