MANILA, Philippines – Muling sinandigan ng Cignal si import Ariel Usher para kunin ang 25-17, 25-18, 25-17 panalo laban sa Meralco at patuloy na banderahan ang 2015 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome.
Inihatid ng spiker mula sa Oregon ang HD Spikers para sa kanilang pangatlong sunod na panalo sa nasabing inter-club tourney na inihahandog ng Asics katuwang ang Milo, Mikasa, Senoh at Mueller bilang technical partners at TV5 bilang official broadcaster.
Nagtala si Usher ng 22 kills at 2 blocks para tumapos na may game-high na 24 points.
Nauna na siyang humataw ng 30 points sa panalo ng Cignal kontra sa Philips Gold noong nakaraang linggo.
“We work hard in practice and we did everything as a team,” wika ni Usher, nagtala ng average na 28 points sa tatlong laro ng HD Spikers sa torneo.
Nagdagdag naman sina import Amanda Anderson at rookie Fritz Gallenero ng tig-11 points para sa Cignal na nangailangan ng isang oras at 13 segundo para idispatsa ang Meralco.
Hindi pa rin nakakakuha ng magandang laro ang Power Spikers mula kay Christina Alessi.
Bagama’t nakabangon sa third set mula sa 10-point deficit, 10-20, at nagawang makadikit sa 17-21, nabigo ang Meralco na pigilin sina Usher at Gallenero sa panig ng Cignal.
Umiskor sina import Liis Kullerkann at skipper Cha Cruz ng tig-11 points para sa Power Spikers, nalasap ang kanilang pang-apat na sunod na kamalasan.
Samantala, umiskor ang Philips Gold 25-20, 21-25, 16-25, 25-22, 15-12 panalo laban sa nagdedepensang Petron.
Humataw si University of California-Los Angeles standout Bojana Todorovic ng 23 kills para sa kanyang 25 point, habang nag-ambag sina Alexis Olgard at Myla Pablo ng 21 at 20 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Lady Slammers.
Ito ang unang panalo ng Philips Gold matapos ang five-set defeat sa Cignal noong nakaraang linggo, habang nalasap ng Petron ang kanilang ikalawang kabiguan.