MANILA, Philippines – Dalawang world boxing crown na ang kanyang naisuot at nakalaban na rin sa undercard ng laban ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ngunit ang paghahamon kay Nicaraguan world flyweight titlist Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez ang magiging pinakamalaking hamon para kay dating two-division king Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria.
“Yup, this is the real deal. This is the Super Bowl, this is the NBA Finals game seven, this is everything,” sabi ni Viloria matapos ang kanilang weigh in ni Gonzalez kahapon.
Tatangkain ng 34-anyos na si Viloria (36-4-0, 22 KOs) na agawin sa 28-anyos na si Gonzalez (43-0-0, 37 KOs) ang hawak nitong World Boxing Council flyweight belt ngayon sa Madison Square Garden sa New York City.
Matapos maagaw ang kanyang mga suot na WBA at WBO flyweight belts ni Juan Estrada noong Abril ng 2013 ay apat na sunod na panalo ang ipinoste ni Viloria na tinampukan ng tatlong knockouts.
Ang huling pinabagsak ni Viloria ay si dating world title challenger Omar Soto sa first round noong Hulyo 25 sa Hollywood, California.
Nangako si Viloria na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya para maiuwi sa Pilipinas ang WBC flyweight title ni Gonzalez.
“I will do whatever it takes to get the ‘W’. If I feel like boxing him will do the job, I’ll do that. If I feel like going at him toe-to-toe will get it done, I’ll do that,” sabi ni Viloria kay Gonzalez.