MANILA, Philippines - Maghahanap ng paraan ang Philippine Basketball Association para makatulong sa Gilas Pilipinas sa inaa-sahang paglahok nito sa Olympic World Qualifier sa Hulyo ng 2016.
Nakatakdang magsagawa ng pulong ang PBA Board sa pangunguna ni chairman Robert Non ng San Miguel ngayong araw.
Tiniyak ni Non ang suporta ng professional league sa Samahang Basketbol ng Pilipinas ni Manny V. Pangilinan na nauna nang nadismaya sa kabiguan ng ilang PBA team na magpahiram ng players sa Gilas Pilipinas.
“I don’t want to preempt the (members of the ) board on what their sentiments are as relayed to them by their principals,” sabi ni PBA president at CEO Chito Salud. “But the board will have a clear-cut and unambiguous policy on this.”
Tatlong tiket lamang ang nakalaan sa Olympic World Qualifier para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Kailangang magdesisyon ng SBP hanggang sa Linggo kung sasali o hindi sa nasabing torneo.
Kung hindi lalahok ang Gilas Pilipinas ay mahaharap sa kaparusahan ang SBP mula sa International Basketball Federation (FIBA).
Iminungkahi ni Non ang pagsasanay ng Gilas Pilipinas sa Nobyembre tuwing Lunes bago itodo ang ensayo sa kabuuan ng Hunyo ng susunod na taon para sa Olympic World Qualifier.
Nakawala sa Nationals ang Olympic berth sa 2016 Rio Games nang matalo sa China sa gold medal round ng nakaraang 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.
Nauna nang nagdesisyon si Pangi-linan, itinalagang bagong Chairman Emeritus sa bagong pamunuan ng SBP na huwag na lamang sumali sa isa sa tatlong Olympic qualifiers sa susunod na taon dahil may kabigatan ang laban.