Ateneo nangunguna sa women’s beach volleyball
MANILA, Philippines – Magandang samahan ang ipinakikita nina Alyssa Valdez at Bea Tan nang umani ng apat na panalo sa limang laro matapos ang unang tatlong araw ng UAAP women’s beach volley sa Sands by the Bay sa Pasay City.
Apat na sunod na panalo ang naiposte nina Valdez at Tan laban sa UP, 21-9, 21-19; NU, 21-18, 21-14; FEU, 24-22, 21-17 at Adamson, 21-13, 21-15 ngunit nadiskaril ang Lady Eagles sa ikalimang panalo nang malusutan nina Cyd Demecillo at Kim Fajardo ng La Salle Lady Archers, 21-11; 16-21, 12-15.
Nasa pangalawang puwesto ang Adamson, kinakatawan nina Mylene Paat at Jessica Galanza at FEU, sa pagdadala nina Bernadeth Pons at Kyla Atienza, sa 3-1 karta habang ang nagdedepensang kampeong UST, sa tambalan ng MVP Cherry Rondina at Rica Rivera ay katabla ang La Salle sa 3-2 baraha.
Samantala, magkasalo ang Ateneo Eagles at UST Tigers sa liderato sa men’s division sa 4-0 baraha.
Huling tinalo nina Marck Espejo at Ysay Marasigan ng Ateneo ang Tamaraws, 21-18, 21-12 habang sina Kris Roy Guzman at Anthony Arbasto ay kuminang sa UP Maroons, 21-19, 21-17.
Ang nagdedepensang kampeon National University Bulldogs na binubuo nina Bryan Bagunas at Madzlan Gampong ay mayroong 3-1 karta at wagi sila sa huling laro kontra sa UE Warriors, 21-15, 21-16. (AT)
- Latest