MANILA, Philippines – Magsasabong nga-yon ang Arellano Chiefs at Mapua Cardinals para malaman kung sino ang kukuha sa huling puwesto sa semifinals sa pagsisimula ng 91st NCAA men’s basketball playoffs sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang laro ay magsisimula sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng San Beda Red Lions at Letran Knights dakong alas-4 ng hapon.
Magkasalo sa unang puwesto ang five-time champion Red Lions at Knights sa 13-5 upang angkinin ang mahalagang twice-to-beat advantage kaya ang pinag-lalabanan na lamang ng dalawang paaralan ay ang number one seeding.
Ang Jose Rizal University Heavy Bombers, Chiefs at Cardinals ay nagsalo sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa 12-6 karta pero nakuha ng JRU ang pinakamataas na quotient para makatiyak na ng puwesto sa Final Four.
Pero kakalabanin pa nila sa isang playoff ang magwawagi sa Cardinals at Chiefs para sa number three at four seeding.
Sasandalan ng Chiefs ang pagiging runner-up noong nakaraang taon para maipantapat sa Cardinals na balak makapasok uli sa Final Four na huling nangyari noon pang Season 86.
Ikatlong taon na ito bilang coach ni Fortunato Co at ito na rin ang pinakamagandang marka na kanyang naibigay sa koponan kaya’t tiwala sa tsansang magpapatuloy ang laban ng host team.
“This is my best year and we will try to make the most out of it,” wika ni Co na nagkaroon lamang ng pinagsamang anim na panalo sa naunang dalawang taon bilang head coach.
Lakas sa ilalim ni Allwell Oraeme ang siyang kakapitalisahin ng Cardinals pero makaka-tulong kung gagana ang mga kamay nina Josan Nimes, Exeqiel Biteng, Carlos Isit at Darrell Menina para makaiwas sa maagang bakasyon.
Tiyak na ang national player na si Jiovani Jalalon ang magdadala sa Chiefs ngunit kailangan ding tumulong ang iba pang beterano tulad nina Dioncee Holts at Zach Nicholls para lalong mangibabaw sa labanan. (AT)