MANILA, Philippines – May matandang kasabihan na ang maliit ay nakakapuwing.
Ito ay pinatotohanan ni 5-foot-5 Mark Cruz ng Letran Knights nang hirangin bilang ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week.
Sa pagbibida ni Cruz ay nadakma ng Knights ang isang tiket sa Final Four kasama ang mahalagang ‘twice-to-beat’ incentive.
Sa 93-64 pagsibak sa University of Perpetual Help, kumamada si Cruz ng 15 sa kanyang 18 points sa first half para simulan ang paglayo ng Letran.
Tuluyan nang inalisan ng Knights ng pag-asa ang Altas nang ilista ang malaking 50-26 advantage patungo sa kanilang panalo.
Nagdagdag si Cruz ng 8 assists.
Ito ang ikalawang pagkakataon na kinilala ang kahusayan ni Cruz ngayong season.
“Mas aggressive kami. Iyon ang naging storya ng game,” sabi ni Cruz.
“Sinabihan kami ni coach (Aldin Ayo) na coming from a loss kailangan namin mag bounce back and eto yung pinakita namin. We stayed together kahit natalo kami sa San Beda, ginawa namin yung game plan ni coach kaya ito ang naging resulta,” dagdag ng point guard.
Ngunit ang pinakatampok sa laro ay nang lapitan ni Cruz si pro-bound Earl Scottie Thompson ng Perpetual para damayan.
Bilang pagpapakita ng sportsmanship ay niyakap ni Cruz si Thompson, ang 2014 NCAA Most Valuable Player, at pinalakas ang loob.
“Sabi ko great effort pa rin. Pumanig lang rin yung shooting sa amin. Mas maganda ‘yung field goals namin, nakita ko rin naman kasi ‘yung effort niya eh. Sinabi ko rin na good luck sa PBA career niya,” sabi ni Cruz.
Tinalo ni Cruz para sa weekly honor si Josan Nimes at Darell Menina ng Mapua at si Paolo Pontejos ng Jose Rizal.