MANILA, Philippines – Suportado ng mga stakeholders sa volleyball ang pagnanais na dalhin sa Pilipinas ang FIVB World Women’s Club Championship sa 2016.
Pinulong ni FIVB executive council member Stav Jacobi ang mga kinatawan ng Philippine SuperLiga (PSL), Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc.( LVPI) at Sports 5 para maipaalam ang mga kailangan upang madala ang pinakamalaking kompetisyon sa club championship sa kababaihan sa bansa sa Oktubre ng 2016.
Halagang P100 milyon ang perang kailangang malikom ng bansa para matagumpay na maidaos ang 10-araw na kompetisyon na lalahukan ng walong pinakamahuhusay na koponan.
“Our meeting turned out to be very positive. Mr. Jacobi laid down all the FIVB requirements and all the stakeholders involved are all willing to comply. I think we have a very good chance of hosting the event,” wika ni PSL president Ramon “Tats” Suzara.
Kasama rin sa pagpupulong sina PSL chairman Philip Ella Juico, LVPI vice president Peter Cayco at TV5 head Vincent Reyes.
Bago ito ay binisita na ni Jacobi ang Mall of Asia Arena sa Pasay City na siyang balak na pagdausan ng kompetisyon bukod sa Solaire Resort and Casino at Sofitel Philippine Plaza Hotel na siyang titirahan ng mga darating na manlalaro.
Mga koponan mula Brazil, Serbia, Russia, Turkey, Italy at US ang mga lalahok sa torneo.
Ang Istanbul, Turkey ang isa pang bansa na nagbi-bid sa hosting pero mismo si Jacobi ang nagsabi na mas malaki ang tsansa na sa bansa gawin ang laro dahil nais ng FIVB na sa Asia ito dalhin.
Hindi rin unang pagkakataon na magho-host ang Pilipinas ng FIVB event dahil noong 2000 ay ginanap sa bansa ang FIVB World Women’s Grand Prix at matagumpay ito naidaos sa pangunguna rin ni Suzara na isa ring FIVB executive board member.