DOHA, Qatar – Isang panalo na lamang ang kailangan ni light flyweight Rogen Ladon para makapagbulsa ng tiket patungo sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ito ay matapos talunin ni Ladon si Dawid Jagodzinski ng Poland para umabante sa semifinal round ng 2015 AIBA World Boxing Championships dito sa Ali Hamad Al Attiya Arena.
Sinunod ng 21-anyos na si Ladon ang ginawang estratehiya nina coaches Nolito Velasco at Romeo Brin para dominahin si Jagodzinski sa tatlong rounds.
Ang tatlong judges mula sa Argentina, Puerto Rico at Russia ay nagbigay kay Ladon ng mga magkakatulad na iskor na 30-27 sa tatlong rounds sa naturang Olympic qualifier.
Kailangan ni Ladon na malusutan si Russian Vasili Egorov, ang No. 4 seed sa torneo, para makatiyak ng tiket patungo sa 2016 Olympic Games.
Sa evening session, minalas naman si welterweight Eumir Felix Marcial na sundan sa semis si Ladon nang yumukod kay World No. 1 Daniyar Yeleussinov ng Kazakhstan.