MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling pipilitin ng Letran na makopo ang ikalawang silya sa Final Four pati na ang huling ‘twice-to-beat’ incentive.
“We don’t want anymore complications, that’s why we’re going for nothing less than a win,” sabi ni rookie coach Aldin Ayo.
Lalabanan ng Knights ang Perpetual Help Altas ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Mapua Cardinals at ng talsik nang Emilio Aguinaldo College Generals sa alas-2 sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Tinalo ng five-peat champions na San Beda ang Letran, 77-73 noong nakaraang Martes para angkinin ang unang tiket sa Final Four at ang unang ‘twice-to-beat’ bonus.
Itinaas ng Red Lions ang kanilang record sa 13-5 habang nalaglag sa 12-5 ang baraha ng Knights.
Kagaya ng Letran, determinado rin ang Perpetual (11-6) na mapalakas ang kanilang tsansa sa Final Four matapos ang mga kabiguan sa Jose Rizal Heavy Bombers, 60-62 at sa sibak nang San Sebastian Stags, 87-91 noong nakaraang linggo.
“Wala na kaming choice kundi ang manalo,” sabi ni Altas coach Aric del Rosario na palagiang naihahatid ang Las Piñas-based team sa Final Four simula noong Season 89.
Kung mananalo ang Knights sa Altas ay muli nilang makakasosyo sa liderato ang Red Lions na magreresulta sa kanilang playoff para sa No. 1 spot sa Final Four.
Kung matatalo naman ay makakatabla ng Letran sa ikalawang puwesto ang Perpetual at 2014 runner-up Arellano University (12-6) at posible ring makasama ang Jose Rizal, lalabanan ang San Sebastian sa alas-12 ng tanghali at ang Mapua.
Ang pagtatabla ng mga koponan ay babasagin ng quotient kung saan iraranggo sila kasunod ang serye ng playoffs na gagamitan ng stepladder format.