DOHA, Qatar – Sa buong laban ay naging agresibo si Filipino fighter Rogen Ladon na nagresulta sa kanyang unanimous decision win kontra kay Leandro Blanc ng Argentina sa World Boxing Cham-pionships and Olympic Qualifiers dito sa Ali Bin Hamad Al Attiya Arena.
Muling idinisplay ni Ladon ang kanyang istilong ginawa sa nakaraang Asian Championships sa Bangkok, Thailand para talunin si Blanc, isang World Series of Boxing (WSB) veteran.
Kaagad sinimulan ni Ladon ang kanyang atake sa opening bell nang kumonekta ng mga kombinasyon sa ulo at katawan ni Blanc.
“Medyo matigas din at malakas ang kaliwa pero nung makuha ko na ang timing ko, alam ko na paano ko siya patatamaan,” sabi ng tubong Bago City.
Nakakuha si Ladon ng magkakatulad na 30-26 iskor sa tatlong rounds mula sa mga judges ng Belarus, Lithuania at Trinidad & Tobago.
Susunod na lalabanan ni Ladon ay ang No. 1 seed na si Joselito Velazquez Altamirano ng Mexico.
Nang malaman na darating si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao na sakto sa kanyang ikalawang laban ay labis na natuwa si Ladon.
“Sana nga dumating si Idol! Malaking inspirasyon sa amin ‘yon,” ani Ladon.
Bukod sa 21-anyos na si Ladon, ang isa pang nakapasok sa torneo sa bisa ng kanilang silver medal sa nakaraang Asian Championships, ay ang 19-anyos na si welterweight Eumir Felix Marcial.