MANILA, Philippines - Kung nagkaroon ng sapat na preparasyon ay malamang ang Pilipinas ang nagkampeon sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China.
Ito ang sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon at pinuntusan ang magandang ipinakita ng Gilas Pilipinas kahit pitong linggo lamang naghanda.
Natalo ang pambansang koponan na hawak ni coach Tab Baldwin sa host China, 78-67 sa championship game upang mabigo sa hinangad na titulo at ticket para sa 2016 Rio Olympics.
“Personally, I was telling myself if Tab had another month (training) mas may laban tayo. The fact that we won seven straight even without that extra month speaks a lot,” wika ni Barrios.
Nahirapan na magkaroon ng mahabang panahon dahil hindi agad nakuha ni Baldwin ang mga players na nais niya sa koponan dahil may laro pa ang PBA.
Habang ang Gilas ay salat sa pagsasanay, ang China ay nabigyan ng ekstensibong pagsasanay na umabot sa pitong buwan.
Nagbunga naman ito dahil hindi sila natalo sa siyam na laro.
Hindi man pinalad ay dapat papurihan ang mga kasapi ng Gilas dahil naduplika nila ang tinapos ng bansa noong 2013 edisyon na ginawa sa Manila.
“Ang China, seven months nag-prepare, tayo less than two months kaya talagang dapat papurihan sila,” wika pa ni Barrios.
Ang pumangalawa hanggang pumang-apat na bansa sa FIBA Asia ay makakasali pa sa World Olympic qualifying sa susunod na taon pero hindi pa batid kung sasali pa ang Pilipinas sa nasabing torneo.
Sa Oktubre 8 ay magkakaroon ng board meeting ang SBP at maglalabas dito ng ulat ang kampanya ng bansa sa natapos na torneo at maaaring pag-usapan dito ang susunod na mga plano.
Hindi naman nagbigay ng anumang detalye si Barrios bagkus ay mas nais niyang makita muna ang mga kasapi ng Gilas na tumanggap ng kanilang para-ngal sa paghihirap para mabigyan ng karangalan ang bansa. (AT)