MANILA, Philippines - Manatiling hawak ang unang puwesto sa pagtatapos ng first round elimination sa 78th UAAP men’s basketball ang balak gawin ng UST Tigers at FEU Tamaraws ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Masusukat ang Tigers sa UE Red Warriors sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng pagtutuos ng Tamaraws at nagdedepensang kampeong National University Bulldogs dakong alas-4 ng hapon.
May magkatulad na 5-1 baraha ang UST at FEU at kung mananalo ay magkakaroon ng mas komportableng kalama-ngan sa mga pumapanga-lawang La Salle Archers at Ateneo Eagles sa magkaparehong 4-3 baraha.
Ang Tigers ay may two-game winning streak na nakuha sa malalakas na koponan ng Eagles (68-58) at Archers (77-61).
Sa mga nasabing laro ay nakitaan ng biglang pag-iinit ang koponang hawak ni coach Bong de la Cruz sa second half upang makabangon mula sa mahinang panimula at maitala ang kumbinsidong panalo.
“Malayo pa ang laba-nan. Kailangang magpatuloy ang paghihirap sa ensayo at pagtibayin ang samahan namin bilang isang pamilya,” wika ni Dela Cruz.
Sina Kevin Ferrer, Ed Daquioag at Karim Abdul ang mga pambala ng Tigers pero lumalim ang arsenal ng koponan dahil sa magandang laro mula sa bench tulad nina Louie Vigil, Mario Bonleon, Marvin Lee at Janus Suarez.
Sa kabilang banda, ang Warriors ay mayroong 2-4 baraha at papasok sa laro galing sa tatlong dikit na talo.
Hinamon ni coach Derrick Pumaren ang kanyang mga alipores na ipakita na kaya nilang manalo sa bigating koponan para res-petuhin sila sa liga at ang epekto nito ay malalaman matapos ang labanang ito.
Itataya naman ng FEU ang kanilang four-game winning streak sa nagdedepensang kampeong NU na naipanalo rin ang huling tatlong laro para maitabla ang baraha sa 3-3.
Nananalig si Tamaraws coach Nash Racela na makikitaan ng consistency ang kanyang manlalaro para tapatan ang pataas na kalidad ng pag-lalaro ng tropa ni coach Eric Altamirano. (AT)