MANILA, Philippines - Pinatumba ni Filipino Grandmaster Oliver Barbosa si Indian International Master Subbaraman Vijayalakshmi para pagharian ang Hong Kong International Open Chess Championships 2015 noong Lunes ng gabi.
Nagtabla ang third seeded na si Barbosa at ang second seed na si Chinese GM Zeng Chongsheng sa magkaparehong 7.5 points matapos ang nine rounds ngunit napunta sa Olympiad veteran ang korona dahil sa kanyang superior tiebreak score, 48.5-45.5.
Tinalo ni Chongsheng si untitled Filipino Nelson Villanueva para makatabla si Barbosa.
Isa itong malaking panalo para kay Barbosa matapos bumaba ang kanyang FIDE rating sa 2501.
Nakipag-draw naman si Filipino GM Darwin Laylo, kay top seed GM Gao Rui ng China para makasalo sa fourth place kasama si Chinese FIDE Master Yu Kaifeng, tinalo si Hong Kong pride Chan Chak Man, sa magkakapareho nilang 6.5 points.
Tumapos si Gao sa solo third sa kanyang 7.0 points.
Bagama’t natalo ay nakapasok pa rin si Villanueva sa Top 10 sa kanyang 6.0 points para makasosyo si Filipina Mikee Charlene Suede, binigo si Chong Chor Yuen ng Hong Kong. (JV)