Doha, Qatar -- Bubuksan ni light flyweight Rogen Ladon ang kampanya ng PLDT-ABAP team sa pagsagupa kay Leandro Blanc ng Argentina sa 2015 AIBA World Boxing Championships dito sa Ali Bin Hamad Al Attiyah Arena.
Kumpiyansa si Ladon, tubong Bago City na tatalunin niya si Blanc bagama’t beterano ang huli ng World Series of Boxing.
Ang Argentinian fighter ay nauna nang tinalo ni Filipino pug Mark Anthony Barriga sa naturang torneo.
Nabigo si Barriga na makalahok sa Asian Men’s Championships sa Bangkok, Thailand noong Setyembre dahil sa pinapagaling pa niyang naoperahang kamay.
Bukod kay Ladon, ang ikalawang kinatawan ng bansa sa torneo ay si Eumir Felix Marcial ng Zamboanga City.
Nakuha nina Ladon at Marcial ang karapatang makasali sa torneo matapos manalo ng silver medal sa nakaraang Asian qualifiers.
Matapos ang laban ni Ladon ay si Marcial ang aakyat sa boxing ring sa pagharap niya kay Said Mohamed Walid ng Egypt na kumuha ng silver medal sa nakaraang African qualifiers.
Nakausap ni ABAP president Ricky Vargas sina Ladon at Marcial bago nagtungo sa Doha at sinabi niyang solidong suporta ang kanyang ibibigay sa mga PLDT-ABAP boxers na makakapasok sa 2016 Rio Olympic Games.
“We will give them every opportunity in terms of support in training, equipment, international exposure, nutrition, psychology and every other aspect needed in their preparations,” wika ni Vargas, presidente din ng Maynilad Water Corporation at vice-chairman ng Samahan ng Basketbol ng Pilipinas.
Kabuuang 257 boxers mula sa 74 bansa ang nakapasok sa limang magkakaibang continental tournaments para sa tsansang makamit ang isa sa 23 Olympic slots sa Rio de Janeiro, Brazil na nakalatag sa 10 weight categories.