MANILA, Philippines - Masasabing milagro na lamang kung mahuhubad pa sa National University Bulldogs at UP Lady Maroons ang kampeonato sa 78th UAAP badminton.
Ito ay dahil nakumpleto ng dalawang paaralan ang 7-0 sweep upang umabante na sa Finals bitbit ang mahirap matinag na thrice-to-beat advantage.
Sina Peter Magnaye at Alvin Morada ng NU ay nanalo kina Gerald Sibayan at Anton Cayanan ng La Salle Archers sa unang doubles, 21-10, 21-13, para tulungan ang Bulldogs sa 4-1 panalo sa men’s division.
Winalis ng NU ang unang dalawang singles na hatid nina Roslee Pedrosa at Keeyan Gabuelo para makadagdag sa dominasyon sa Archers, ang kanilang tinalo sa titulo noong nakaraang taon at nalagay sa ikalawang puwesto sa 6-1 marka. Step-ladder ang semifinals at may twice-to-beat advantage ang La Salle.
Tinalo ng Ateneo Eagles ang UP Maroons, 3-2, para kunin ang ikatlong puwesto sa 5-2 karta habang nasa ikaapat ang huli sa 4-3 karta. Ang dalawang paaralan ang maglalaban sa isang knockout game para madetermina ang katunggali ng La Salle.
Paalam na ang UST Tigers (3-4), Adamson Falcons (1-6), FEU Tamaraws (1-6) at UE Warriors (1-6).
Dinaig naman ng Lady Maroons ang Ateneo, 3-2, para makumpleto din ang 7-0 sweep sa women’s division at pumasok na rin sa championship round bitbit ang mahalagang insentibo.
Ang kabiguan ng Lady Eagles ay sinabayan ng 4-1 pangingibabaw ng La Salle Lady Archers sa FEU Lady Tamaraws para kunin ang ikalawang puwesto sa 6-1 baraha. Ang Ateneo at FEU na may 5-2 at 4-3 baraha ang siyang unang magsasalpukan sa knockout game.