MANILA, Philippines - Inabot ng 16-oras ang biyahe ng Gilas mula sa Changsha, China ngunit naibsan ang kanilang pagod nang tumanggap ng isang heroes’ welcome sa pagdating nila sa NAIA Terminal 3 kahapon.
Hindi magkamayaw sa pagsigaw ang mga fans ng pangalan ng mga players ng Gilas Pilipinas na tumapos sa ikalawang puwesto sa 2015 FIBA Asia Championship.
Ang pinakamalakas na pangalang isinigaw ay kay guard Jayson Castro.
“Castro for senator! Castro for senator! Castro for senator!” sigaw ng mga fans bilang sukli sa mahusay na ipinakita ni Castro sa FIBA Asia na nagresulta sa kanyang pagkakahirang sa Mythical Selection.
Ang Talk ‘N Text hotshot sana ang nakakuha sa tournament MVP kung ang Gilas Pilipinas ang naghari.
Ang iba pang nakasama ni Castro sa Mythical Five ay sina MVP winner Yi Jianlian, Zhou Qi at Guo Ailun ng China at Iranian star Nikkhah Bahrami. Naging miyembro din si Castro ng Mythical Team noong 2013 Manila FIBA-Asia.
Isinigaw din ang mga pangalan nina Ranidel de Ocampo, Marc Pingris, Sonny Thoss, Calvin Abueva, Asi Taulava, Terrence Romeo, Matt Ganuelas, Gabe Norwood, Dondon Hontiveros at JC Intal sa kanilang pagdaan sa arrival area.
“Amazing welcome. Thanks for the support and thanks for appre-ciating our effort,” sabi ni Abueva.
“We didn’t get what we wanted but I’m blessed to be part of Gilas,” wika naman ni Hontiveros.
Sina coach Tab Baldwin at Andray Blatche ay nauna nang umalis ng China.
Magtutungo si Blatche sa United States para bisitahin ang kanyang may sakit na ina bago bumalik sa China para sa training camp ng koponan niya sa Chinese league.
Nagtyaga ang Natio-nals sa 16-oras na biyahe matapos maantala ng 11 oras ang kanilang Cathay Pacific flight mula Hong Kong patungong Manila.
Umalis sila ng Changsha ng alas-7:15 ng gabi noong Linggo at nag-palipas ng oras sa sahig ng Hong Kong airport.
Dumaan naman sina assistant coach Norman Black at Meralco executive Ryan Gregorio sa 12-hour trip buhat sa Changsha via Guangzhou.
Parehong naantala ang kanilang China Southern flights mula sa Changsha patungo sa Guangzhou at Guangzhou papunta sa Manila.