MANILA, Philippines – Matapos mabigong makuha ang nag-iisang slot para sa 2016 Olympics mula sa kabiguan sa China sa finals ng FIBA-Asia Championship sa Changsha, China kamakalawa ng gabi, may pagkakataon pa ang Gilas Pilipinas na makapaglaro sa Rio de Janerio, Brazil.
At gusto ni Fil-Am Jordan Clarkson na maging bahagi nito.
Ipinaramdam ni Clarkson, nasa Hawaii kasama ang Los Angeles Lakers bilang paghahanda sa 2015-16 NBA season, ang kanyang intensyong mapabilang sa Tab Baldwin-mentored team na sasabak sa Olympic qualifying sa Hulyo ng 2016 sa pamamagitan ng isang video na kanyang ipinoste sa social media.
Ang nasabing video na inilagay niya sa kanyang Twitter account na @JClark50n ay ipinakita ang pagdakdak ni Clarkson.
Ginamit ng sophomore Lakers guard ang caption: “Tough Fight: In 2016 @JClark5on & #SmartGilas #ALLIN #RoadToRedemption @lettrs.”
Nagpapakita si Clarkson ng suporta matapos ang kabiguan ng Nationals sa Chinese sa finals.
Hinangad niyang mapasama sa Gilas sa pagsabak sa Changsha subalit nabigong makakuha ng clearance mula sa FIBA maliban pa sa nalalapit na pagbubukas ng NBA training camp.
Sa Hulyo ng susunod na taon ay inaasahan nang malilibre si Clarkson para sa Gilas dahil sa pagtatapos ng NBA season.
Ang Gilas, kasama ang mga semifinalists na Iran at Japan, ay magla-laro sa huling Olympic qualifier kasama ang 15 pang tropa mula sa Europe, Africa, Americas at Oceania.