MANILA, Philippines – Nakuha ng La Salle Green Archers ang panalo sa karibal na Ateneo Eagles sa unang pagtutuos sa 78th UAAP men’s basketball, 80-76 kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinaksihan ng 17,728 manonood, ang rookie na si Joshua Torralba ang siyang nagdala ng pamatay na palaso nang maipasok ang matinding 3-pointer sa hu-ling 33.9 segundo para agawin ang kalamangan, 77-76.
Si Jeron Teng ang sunod na nagbida nang madepensahan ang buslo ni Kiefer Ravena bago nakakuha ng foul kay Gwayne Capacio tungo sa dalawang pasok na free throws para iakyat ang kalamangan sa 79-76 sa huling 10 segundo.
Sablay uli ang tangkang panablang triple ni Ravena at si Torralba ang tumapos sa puntusan sa labanan ng magkaribal na koponan sa isang split.
May 18 puntos si Teng, siyam sa huling yugto, bukod sa anim na rebounds, limang assists at isang steal. Sina Thomas Torres, Jason Perkins at Paolo Rivero ay may 15,13 at 10, si Rivero ay may 10 rebounds pa, habang si Torralba ay may 9 puntos, kasama ang dalawang triples.
“He has been working on the that three in practice,” wika ni La Salle coach Juno Sauler. “It was a hard fought win and we won because the players are putting their best effort.”
Hindi hinayaan ng Adamson na hindi sila makatikim ng panalo sa first round nang daigin ang inaalat na UP Maroons, 73-68 sa unang laro. (AT)