CHANGSHA – Bago pa man ang kanilang finals match ay litaw na litaw na ang ginawang panggugulang ng China.
Hindi na naitago ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ang pagkainis sa ginawang delaying at distracting tactics ng host country ilang oras bago ang laro ng Gilas Pilipinas at China.
“Now it has begun. Our Gilas electric bus delayed. Failed to charge daw. Gilas arrival at stadium delayed. Less time for warm up,” sabi ni Pangilinan sa kanyang Twitter account na @IamMVP.
Tinalo ng China ang Gilas Pilipinas, 78-67, para pagharian ang 2015 FIBA Asia Championship at angkinin ang nag-iisang tiket sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil kagabi dito sa Changsha Social Work College Gymnasium.
Huling natikman ng Nationals ang bentahe sa 15-10 bago naghulog ang Chinese ng 11-0 atake para kunin ang 21-15 abante patungo sa 46-35 kalamangan sa halftime.
Ikinasa ng China ang 16-point lead, 60-44, sa huling tatlong minuto ng third period.
Inakusahan ni Pangilinan ang China ng pagkakait ng tiket sa Gilas coaching staff at sa ibang hotel din nakatira ang mga Chinese na hindi naaayon sa FIBA regulations.
Sa unang laro, tinalo ng Iran ang Japan, 68-63, para kunin ang third place trophy.
Tumipa si Nikkhah Bahrami ng 35 points para sa panalo ng mga Iranians.
Ang Gilas Pilipinas, Iran at Japan ay maaaring makakuha ng Olympic berth kung maghahari sa alinman sa tatlong World Qualifying Tournaments sa Hulyo 4-10, 2016 sa tatlong bansa.
Ang 18 qualifiers ay hahatiin sa tatlong grupo na may tig-anim na koponan para sa tatlong WQT ilang linggo bago ang Rio Olympics na nakatakda sa Agosto 5-21.
Bukod sa China at nagdedepensang United States, ang iba pang maglalaro sa 2016 Olympics ay ang AfroBasket champion na Nigeria, FIBA Americas titlist na Venezuela at runner-up Argentina, EuroBasket king na Spain at runner-up Lithuania, host Brazil at Australia.